Ngayong Gabi, Maisusulat Ko Ang Pinakamalulungkot na Linya (Translated from Pablo Neruda)

Ngayong gabi, maisusulat ko ang pinakamalulungkot na linya.

Isulat, halimbawa, na ang gabi ay nabasag at ang mga tala ay malamig sa kanilang kalayuan.

 

Ang hangin ay umiihip habang umaalulong.

Ngayong gabi, maisusulat ko ang pinakamalulungkot na linya. Minahal ko siya, at paminsan-minsan minahal din niya ako.

 

Sa mga gabing tulad nito ay yakap ko siya sa aking mga braso, hinagkan ko siya paulit-ulit sa ilalim ng walang-hanggang kalawakan.

Minahal niya ako paminsan-minsan, at minahal ko siya. Sinong hindi mahuhulog sa kanyang mapupungay na mga mata?

 

Ngayong gabi, maisusulat ko ang pinakamalulungkot na linya. Ang isiping wala na siya sa akin. Ang madamang nawala ko siya.

Ang madama ang kalubhaan gabi, na mas malubha pa nang wala siya. Ang bawat taludtod ay dadapo sa aking diwa gaya ng pagdapo ng hamog sa damo.

 

Ano bang silbi pa na hindi sapat ang pag-ibig ko upang mapanatili siya sa akin. Ang gabi ay nabasag at wala siya sa aking piling.

Para siyang tinig. Sa malayo, may umaawit. Nasa malayo. Ang kaluluwa ko ay hindi mapayapa nang wala siya.

 

Hinahanap siya ng mata ko, na nais siyang tunguhan. Hinahanap siya ng puso ko, at wala siya sa akin.

Dati’y iisa ang aming diwa’t hangarin. Iyon ay noon at hindi na ngayon.

 

Hindi ko na siya iniibig, tiyak ito, ngunit minahal ko siya nang lubos. Sinubukan kong ibulong ito sa hangin sa pag-asang marinig niya.

Iba na. Iba na ang may-ari ng puso niya. Gaya ng mga halik ko sa kanya. Ang kanyang katawan. Ang kanyang walang-wakas na titig.

 

Wala na siya sa akin, ito’y tiyak, ngunit di ako tiyak kung di ko siya mahal. Napakaikli ng pag-ibig, ngunit napakahaba ng paglimot.

Dahil gaya ng mga gabing ganito, yakap ko siya sa aking mga braso. Hindi napapayapa ang kaluluwa ko nang wala siya.

 

Bagaman ito ang huling pasakit na idinulot niya sa akin, ito rin ang huling linyang isusulat ko para sa kanya.